diary of a kmnist

Saturday, October 08, 2005

Batas ng mga Kriminal ang Nilalabag Natin
by Alexander Martin Remollino Saturday, Oct. 08, 2005 at 8:34 AM

Panahon itong inalis sa atin ang karapatang kumilos
nang ayon sa ating mga karapatan.
Ang patakaran ng panahong ito
ay nag-uutos na tayo'y tumulad sa mga tupa,
at ang lumabag
ay hinahagkan ng mga batuta
at kinakanlong ng mga sasakyan ng pulisya
at doo'y pinatitikim ng dagdag na romansa ng mga kamao
bago lunukin ng mga selda sa presinto.

Ganito ang kaloob sa atin
ng pamahalaan,
ng pamahalaang ang nilalamon
ay ang pinapagsama-samang isusubo na lang natin
na gatingang ulam at ilang mumong kanin
na hindi natin isinubo
upang may maipalaman sana sa kani-kanilang sikmura
ang mga nakababatang kapatid.

Ang mga hinihingi natin ay atin.
Wala tayong nilabag na batas
liban sa mga patakaran nilang iilang kriminal.
Atin ang karapatang suwayin
ang kautusang tayo'y maging mga tupa
sapagkat tayo'y mga tao,
hindi tulad nila
hindi tulad nila.

Ang ating pananggalang sa kanilang batas ng dahas
ay nasa pagiging apoy sa dayami
na habang hinihipa'y lalong lumalawak.
At kung magpasya silang hindi na itigil kailanman
ang pagbobomba ng tubig sa apoy ng pagtutol sa lansangan,
pakatandaan natin
na hindi lang mga lansangan ang lunsaran ng ating pagkapoot.
otom 6:31:00 PM

0 Comments:

Add a comment