diary of a kmnist

Monday, May 02, 2005

rebyu ng gradwait

Sa gilid ng tala ng notebuk
Sophia Tolentino
Rebyu ng 'Gradwait'
Chapbuk Blg. 7 ng kilometer 64
http://www.pinoyweekly.org/pw4-15/kult/kult_1.htm
Maraming mabubuting bagay ang inaasahan ng isang kabataan mula sa buhay na nakalatag na parang isang kalsada sa kanyang paanan. Nangunguna dito ang pagkakataong makapag-aral upang palawakin ang kaisipan at karanasan, at pagkatapos, makahanap ng trabahong nakasasapat upang makapagpatayo ng sariling pamilya at maibigay sa kanyang anak ang tiyak na hahanapin ding mga mabubuting bagay.
Pero madalas kaysa hindi, umaandar ang panahon, tumatanda ang mga kabataan nang naghihintay sa wala. Mga kabataang hindi makapag-aral dahil walang pambayad ng matrikula ang kanyang mga magulang. Mga kabataang hindi makapag-trabaho dahil walang trabahong inaalok ang gobyerno’t mga kapitalista.
Paksa ng ika-pitong chapbuk o koleksiyon ng mga tula ng Kilometer 64, grupong on-line ng mga kabataang makata, ang bugnot at dismaya ng mga kabataang estudyante na binigo ng sistema ng edukasyon at pangkalahatang kalakaran ng lipunan sa Pilipinas.
Ang “GradWait” ay inilathala ilang linggo pagkatapos ng graduation ng karamihan ng mga estudyante. Tulad ng mga naido-drowing at naisusulat sa gilid ng mga tala sa notebuk habang nakikinig sa isang nakababagot na lektyur, ito ang mga makukulay at tunay na saloobin ng mga kabataang estudyanteng kailanman hindi nakuntento sa kung ano ang nakasulat sa pisara.
Sabihin mang maligalig sa klasrum ang marami sa mga estudyante, sila ang unang makikipaglaban para makamit ang kanilang batayang karapatan sa edukasyon. Napatunayan ito ng maraming mga tula ng lantarang pagtutol sa komersiyalisasyon ng edukasyon.
Halimbawa, sa Sentimenthesis ni Jeremy Evardone, ginawang katawa-tawa at exaggerated ang kwento ng pagkukumahog ng isang estudyante para sa kanyang thesis upang mapatampok ang abot-langit na gastusin ng pagtatapos: ‘Nay, tri-tawsan payb-handred pe’nge po/ ipapaxerox ko’y andami ho/ para magtig-i-tig-isang kopya/ ang mga panelist sa depensa. Tinira naman ni Vijae Orquia Alquisoda sa HEMA ang kabiguan ng estado na siguruhin ang Karapatan sa Edukasyon sa ilalim ng Art. 14 Sek. 1 ng Konstitusyon: Ay, ang batas pala’y nalulubid din ng buhangin. Simple man, epektibo ang mga tulang Sana may manlibre at Buti pa silang ayaw mag-aral ni Cocoy Bagunu. Ito’y dahil sinulat ang mga nasabing tula mula sa perspektibo ng laksang mga kabataang manggagawa at magsasaka na nagbabanat ng buto sa murang edad para tulungan lamang makakain tatlong beses isang araw ang pamilyang hilahod.
Tungkol naman sa kakaibang trahedyang sinapit ng isang puyat at tulirong working student ang Lorena, di tunay na pangalan ni Mark Angeles. Isinasalaysay dito ang pagkakasagasa ng tren sa riles ng Sta. Mesa sa isang bayaning hindi kinikilala: Hindi mo narinig ang kanilang babala;/ mas malakas ang sigaw ng sikmura.
Samantala, atmospera ng isang mapanupil na kampus ang tinalakay ng Ito ang inyong papasukan ni Sonny Corpuz Sendon: Ito ang mga bagong alituntunin/ Ito ang itataas ng inyong tuition/ Ito ang waiver laban sa rebelyon/ Ito ang ating tunay na debosyon. Parehong tema ng represyon, ngunit mas modernong istilo at pokus sa maliliit ngunit mahahalagang bagay ang inangkop ni Rustum Casia sa Robot, robot, paano ka ginawa?. Sa nasabing tula, nagtataka ang manunulat kung ano ang “direct correlation” o pagkaka-ugnay ng “haba ng buhok, tabas ng bigote, suot na sapatos” sa “performance ng isang estudyante sa kanyang klase.”
Kung minsa’y wala namang interes o konsentrasyon ang maraming mga estudyante sa itinuturo ng kanilang mga guro, ito’y dahil sa mababang kalidad at reaksyunaryong katangian ng edukasyon na inilalako sa kanila. Tunghayan ang pinaghalintularan sa edukasyon ni Kristian S. Cordero sa tulang Kamote: Naghukay nang naghukay si Ma’am,/ naghanap ng kamote sa loob ng ulo namin/ ipapakain niya raw kasi sa bagong dating/ na superintendent na nagbisita sa amin. Mapang-usig sa limitasyon ng mga lektyur bilang porma ng instruksiyon ang nakakaaliw na tulang Yungib ni Francis Yerro Capistrano. Nais ng persona na pumunta sa Palawan at tignan para sa kanyang sarili ang pilandok, isang hayop na pilit itinuturo ng guro: Ngunit nakasemento ang talampakan/ gayundin ang braso, gayundin ang puwit./ Bulag ang mga matang nakatali sa pisara.
Masakit na katotohanang sinasapit ng mga mahuhusay na luwal na bagong gradweyt sa panahon ng globalisasyon na nagpa-uso ng eksport ng murang paggawa ang paksa ng marami ring mga tula sa koleksiyon, tulad ng Nangangamoteng “edukasyon” ni Usman Abdurajak Sali: Upang maging “world-class” umano/ Sasanayin kang magdilang-banyaga/ Worldklas na janitor, nars, DH, drayber/ Ay! Kawawang Juan at Juana, worldklas na alila.Mas matindi naman ang banat ng Buy Pinoy, piyesang spoken-word o binibigkas ng bandang Medulla Oblongata, sa paglamon ng call centers sa mga kabataan: DI KA PINAG-ARAL AT PINAGTAPOS NG NANAY MO/ PARA LANG SIGAW-SIGAWAN, MURA-MURAHIN!/ PARA LANG SIGAW-SIGAWAN, MURA-MURAHIN!/ MAGING HUMAN ANSWERING MACHINE! Isa lamang ito sa mga paksa sa mahaba at makulit na tulang punk-ista ang tono pero tagos ang katotohanang nilalaman tungkol sa tanggalan sa trabaho, prostitusyon, dayuhang pag-aari ng mga kompanya; umuukilkil sa iyong utak ang mga linyang inuulit-ulit ng makata.
Pero hindi masasabing puro lamang tungkol sa paghihintay sa wala ang “GradWait.” Bukod-tangi sa koleksiyon ang paghahain ng “alternatibong edukasyon” ng mga kabataang estudyante, na pailalim na iminumungkahi o tuwirang niyayapos ang rebolusyon bilang ultimong sagot sa kahirapan at kawalang hustisya sa lipunan.Ibinunyag ni Mark Angeles sa tulang Deus ex Machina ang dakilang turo ni Mao Tse Tung na pagsasapraktika ng mga teorya: Kaya’t nang mabulabog ang mga kagaw na busog/ Lumang karununga’y itinapon/ Sa baga ng rebolusyon. Sa Hindi namin kailangan ng edukasyon, sang-ayon si Sadirmata kay Pink Floyd at nagpalawig sa hindi mapapantayang edukasyon na dulot na pakikasalamuha sa mga batayang masa: ang aming edukasyon ay nasa lupa/ ang aming edukasyon ay nasa luha/ ang aming edukasyon ay nasa buhay/ ang aming edukasyon ay nasa kamatayan. Nagdiwang sa pagkuha ng bagong degree na “Major in Armed Struggle” ang persona sa Marso ni Liwayway Rosales, habang binaybay naman ni Usman Abdujarak Sali ang alpabeto sa Unibersidad ng Sierra Madre: Matutunan mong “A” ay para sa armas/ at ang “B” ay maaring bakpak, bala, at bigas.
Nakatulong sa pangkalahatang tagumpay ng chapbuk ang diversity o pagkakaiba-iba ng mga makata, na nagmumula sa iba’t ibang probinsya at rehiyon ng Pilipinas katulad ng Bikol, Samar, Quezon, Pangasinan, Cagayan, at iba pa. Dahil sa antas ng pampulitikang kamulatan na naipamalas sa mga tula, hindi nakapagtataka na ilan sa mga makatang ito na mga kabataang estudyante o minsa’y naging kabataang estudyante ay aktibo sa iba’t ibang mga progresibong organisasyon.
Tila isang marahang gabay sa mga kabataang natatakot at naguguluhan sa kanyang mga nakikita sa kalyeng nakalatag sa kanyang paanan ang pinakahuling tula at sa koleksiyon, ang Hayaan mong igalaw ni Ernesto Ramos: Hayaan mong igalaw ng hangin ang pagal na katawan/ Likhain ang obra ng kalyuhing kamay/ Isatitik nang malaya ang ‘yong karanasan/ At ihatid sa mata at tenga ng sambayanan.
otom 5:18:00 PM | 0 comments |