Tuesday, April 19, 2005
GRADWAITION
(Pambungad na talumpati ni alex remollino sa paglulunsad ng GradWait, ikapitong chapbook ng Kilometer 64
Pagbati sa ating lahat. Gusto kong bumati ng "Magandang gabi," pero parang mahirap kapag inisip natin ang tema ng inilulunsad nating chapbook ng Kilometer 64 -- sa pamagat pa lang ay naroon na ito, GradWait.
Panahon nga ngayon ng pagkuha ng mga diploma, at tuwing ganitong panahon ay umuusbong ang isang atmospera ng pagmamalaki. Ito'y dala ng pagpapalagay na ang mga tumanggap ng diploma ay napabilang na sa paliit na nang paliit na pribilehiyadong klub ng mga "may sapat na pinag-aralan."
Kapag nabibigkas ang mga katagang "may sapat na pinag-aralan," naaalala ko si Andres Bonifacio -- hindi lang dahil kinuwestiyon ang kanyang mga kredensiyal sa Tejeros Convention. Bakit, 'ka n'yo?
Kapag nagtanong ka kung sino si Andres Bonifacio, kaagad kang sasagutin ng "Siya ang Ama ng Himagsikan." Aasarin ka pa ng kausap mo kung college graduate siya: "Ang bobo mo naman! Andres Bonifacio lang, hindi mo pa alam? Siya ang Ama ng Himagsikan!" ang sasabihin sa iyo ng karaniwang college graduate na tatanungin mo kung sino si Andres Bonifacio.
Pero kapag nagtanong ka kung ano ang katuturan ng isang Andres Bonifacio sa kasaysayan ng Pilipinas, kulang ang dalawang oras para ka makakuha ng matinong sagot -- kahit na college graduate ang kausap mo.
Sa edukasyon kasing nakukuha natin sa mga paaralan, sa kalakha'y sinasanay tayong magsaulo lang at hindi magsuri sa katotohanan. Sa pinakamalabis ay alam natin kung ano ang korte ng gulong pero hindi natin alam kung para saan ang gulong.
At kaydali namang magsaulo: kahit sino'y puwedeng dumampot ng teksbuk sa kahit saang bookstore o public library at isaulo ang mga laman niyon. Kaya ano ngayon ang kaibhan ng isang karaniwang nakatapos ng pag-aaral sa maraming walang diploma? Bakit kailangan nating gumising nang maaga araw-araw at gumastos ng ilampung libong piso sa loob ng apat na taon o higit pa para lamang sa kalakha'y magsaulo -- sa isang bansa kung saan ang edukasyon ay unti-unting nagiging pribilehiyo na lamang ng mga anak ng mayayamang wala namang ginawa kundi magpalaki ng kanilang mga puwit sa kanilang pagkakaupo sa mababango at air-conditioned na opisina?
Ang mga nakatapos daw ng pag-aaral ay makakukuha ng magandang trabaho.
Naaalala ko sina Benjamin Franklin at Leo Tolstoy.
Sila'y mga henyo sa kani-kanilang mga larangan. Si Benjamin Franklin ay isang dakilang scientist na siyang nakadiskubre ng elektrisidad at bukod pa'y isa ring mahusay na philosopher. Si Leo Tolstoy naman ay isang batikang manunulat na siyang may-akda ng epikong nobelamg War and Peace; at ng isa pang bantog na nobela, ang Anna Karenina -- bukod sa ilan pang pawang mahuhusay na obra.
Pero sila'y parehong hindi nakatapos ng pag-aaral. Si Benjamin Franklin ay ni hindi nakaabot sa katumbas ng Grade VI. Si Leo Tolstoy ay nakatuntong sa kolehiyo, pero mabababa ang marka at hindi na rin nakatapos ng kurso.
Kung sila'y nabuhay sa Pilipinas at nagdaan sa karaniwang proseso ng paghahanap ng trabaho, ang pinakamadali nilang mapapasukang trabaho ay ang maging diyanitor -- diyanitor, mga kaibigan, kahit na sila'y mas marami pang alam kaysa sa mayayabang na sekretarya ng mga kumpanyang pag-aaplayan nila, at maging sa mga may-ari ng mga ito.
Diyanitor nga ang unang naging trabaho ng kaibigan nating si Abet Umil bago siya nakilala bilang isang manunulat, sapagkat siya'y hindi rin nakatapos ng pag-aaral. Diyanitor. Samantalang pag kausap mo siya'y malamang na mapag-uusapan ninyo sina T.S. Eliot, Bienvenido Santos, at Manuel Arguilla -- at ilan sa mga college graduate ang makikita ninyong may kakayahang makipagtalakayan nang matino tungkol sa nabanggit na mga manunulat?
Bibihira ang college graduate na nakikita kong may ganitong kakayahan, maski roon sa mga nag-Ph.D. sa Panitikan sa ilang malaking unibersidad, na bagama't nag-Ph.D. sa Panitikan ay lubhang limitado ang perspektiba sa literatura, kaya naman sa mga signipikanteng proyektong pampanitikan ay kung sinu-sino ang binibigyan ng mahahalagang papel -- maging yaong mga taong ang nakaraan at maging kasalukuyan ay punung-puno ng mga butas na amoy-patay na daga.
Pero ang mga may diploma ay makakukuha raw ng magandang trabaho. Siyanga kaya?
Dalawa lamang ang landas na karaniwang pinupuntahan ng mga college graduate sa panahong ito. Maaaring sila'y mapunta sa mga call center, kung saan sa wika nga ng ating ka-Kilometrong si Lecter ay magigi silang mga "human answering machine" -- pasintabi sa mga nakapagtrabaho at nagtatrabaho sa mga call center. Kundi man sila mapunta sa mga call center, sila'y mapupunta sa ibang bansa upang maging mga caregiver, kundi man domestic helper -- sa wika nga ni Ave Perez Jacob ay "mga tsimoy at tsimay ng mundo."
Malalim ang ugat ng ganitong kalagayan: kulang ang dalawang oras upang talakayin ito nang buo. Pero masasabi nating ito'y nagmula pa roon sa ipinunla ng mga Thomasite noong 1900s.
Ang iba't ibang aspeto ng sistemang pang-edukasyon ay ipinakikita ng mga tula sa GradWait, at ang ilan sa mga tulang ito ay itatanghal ng mga ka-Kilometro at ng mga inimbitahang panauhin. Muli, mahirap bumati ng "Magandang gabi" kaya pagbati na lang sa ating lahat, at sana'y maibigan natin ang mga pagtatanghal. Maraming salamat.
otom 4:26:00 PM