diary of a kmnist

Wednesday, March 23, 2005

kmnist manifesto

Tuwing mapag-uusapan ang tula, mahirap na hindi magunita ang ngayo’y maalamat nang pangungusap mula sa makatang Ingles na si Percy Bysshe Shelley: “Ang makata ay siyang di-kinikilalang mambabatas ng daigdig.”

At bakit naman hindi magkakagayon? Ang tula, sa taas ng kapangyarihan nito, ay nakalilikha ng matibay na bantayog mula sa abo at, sa kabilang dako naman, nailalantad ang kastilyong buhanging nagpapanggap na marmol. Kaya’t nakatalagang gumanap ng mahalagang papel sa kasaysayan ang makata. Nasa kanyang mga taludtod ang isang sandatang may mataas na kakayahang dumurog sa pader ng kabulaanan.

Taong 1992 nang unang ibandila ng noo’y Pangulong Fidel V. Ramos ang kanyang Philippines 2000, na aniya’y siyang eroplanong magdadala sa bansa sa pinakamataas na ulap ng kaunlaran. Bilang bahagi ng programang ito, isa niyang kaalyado – ang noo’y Sen. Gloria Macapagal-Arroyo – ang noong 1994 ay namuno sa pagraratipika ng Senado sa General Agreement on Tariffs and Trade (GATT), na nang sumunod na taon ay siyang naging batayan ng pagpasok ng Pilipinas sa World Trade Organization (WTO).

Tampok sa mga programa ng WTO ang pagsusulong ng mga patakaran ng liberalisasyon at deregulasyon sa ekonomiya, at pribatisasyon ng mga serbisyo sa sektor publiko. Ang mga patakarang ito, ayon sa Kambal ng Bretton Woods – ang International Monetary Fund (IMF) at ang World Bank (WB) – ang mga gamot sa malawakang kawalang-kaunlaran at kahirapan sa ating bansa at sa iba pang bansa ng Ikatlong Daigdig.

Mahigit sa isang dekada mula noong 1992, nananatiling malatuberkulosis na mga sakit ng Pilipinas ang laganap na kawalang-kaunlaran at kahirapan, at mga utak-uod na lamang ang mangangahas na magsabing ang pangkalahatang kalagaya’y hindi tuluy-tuloy na sumasama kaysa rati. Na dapat lang namang asahang mangyari, sapagkat ang mga patakarang ipinataw ng WTO sa ating bansa ay wala namang pakay na baguhin ang balangkas ng isang lipunang malaon nang pumapasan sa bigat ng isang kolonyal na hulma ng ekonomiya, pulitika at kultura; kawalan ng katarungang panlipunan, at kalat na katiwalian sa lingkurang-bayan.

Nananatili kung gayon ang mga sakit ng lipunang Pilipino na noon pa ma’y hinahagkis na ng mga dakilang makata ng ating bansa, magmula kay Francisco Balagtas (1788-1862) hanggang kay Andres Bonifacio (1863-1897), magmula kay Amado Hernandez (1903-1970) hanggang kay Romulo Sandoval (1950-1997). Kinakailangan ang pagpapatuloy ng panulaang kanilang nilikha at isinulong.
Minsa’y nawika ng bantog na makata ng protesta na si Gelacio Guillermo ang ganito: “Noon lang ikalawang bahagi ng dekada sisenta natutunang itanong ng mga makata sa sarili sa paraang publiko: Ano ang silbi? Sino ang pagsisilbihan? Paano? Mainam ngayong ulitin ang tanong.”

Sa aming mga makata ng Kilometer 64, malinaw na ang sagot. Ang tulang Pilipino’y nararapat na ilaan, una sa lahat, sa sambayanang Pilipino. Hindi biro ang magiging
kapakinabangan nito sa ating pagtitindig ng kasarinlan, kalayaan, katarungan, mabuting pamamahala, at tunay na demokrasya sa ating bansa.

-ikalabing-apat ng marso, 2005
otom 4:55:00 PM

0 Comments:

Add a comment